-- ADVERTISEMENT --

Isinagawa ni Chief, Philippine National Police (PNP) Police General Nicolas D. Torre III ang kanyang kauna-unahang command visit sa Police Regional Office 12 (PRO 12) nitong Sabado, Hulyo 19, 2025 — isang makasaysayang pagbabalik sa rehiyong kanyang kinalakhan at pinagmulan.

Buong mainit siyang sinalubong ng PRO 12 personnel sa pangunguna ni Regional Director PBGen Arnold P. Ardiente. Kasama niya sa nasabing aktibidad ang kanyang maybahay na si Gng. Patricia Jane P. Torre, National Adviser ng PNP Officers’ Ladies Club Foundation Inc. (OLCFI), at ilang opisyal mula sa PNP National Headquarters.

Bilang bahagi ng kanyang pagbisita, pinangunahan ni PGen Torre ang pagpapasinaya sa mga bagong pasilidad ng kampo, kabilang ang PNCO Condominium, APOLE Twin Building, at ang bagong PRO 12 Multi-Purpose Hall. Dumalo rin dito ang mga tauhan ng Regional Headquarters, Regional Support Units, at mga kinatawan mula sa DPWH.

Isa sa mga pangunahing aktibidad ang “Talk to Men” session, kung saan direkta niyang kinausap ang mga kapulisan upang iparating ang kanyang suporta at hikayatin silang panatilihin ang pagkakaisa, dedikasyon sa tungkulin, at mataas na moral. Ito ay bahagi ng kanyang ikalawang core leadership pillar: “Unity and Morale Within the Ranks.”

Sa isinagawang press conference, ibinida ni PGen Torre ang tagumpay ng Emergency 911 Response System, na aktwal na ipinakita sa mga miyembro ng lokal na media. Aniya, patuloy ang paggamit ng PNP ng makabagong teknolohiya para sa mas mabilis na pagresponde sa mga insidente at pagpapaigting ng kampanya laban sa kriminalidad.

Bago nito, naging panauhing pandangal si PGen Torre sa 26th T’nalak Festival sa Koronadal City, South Cotabato, kung saan binigyang-diin niya ang kahalagahan ng kooperasyon ng pulisya at komunidad para sa kapayapaan at kaunlaran ng rehiyon.