-- ADVERTISEMENT --

Patay ang dalawang suspek kabilng ang isang high profile criminal habang arestaado naman ang isa pa sa magkahiwalay na operasyon laban sa ilegal na droga at armas na isinagawa ng militar at pulisya nitong Hulyo 17, 2025.

Sa bayan ng Datu Montawal, naaresto ang suspek na si Boy Tamaso Mangayao matapos magsagawa ng joint law enforcement operation ang pinagsanib na puwersa ng AFP at PNP dakong 11:30 ng umaga sa Barangay Pagagawan. Target ng operasyon ang high-value target na si Thoks Santuwa Adta, na nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Sa halip na sumuko, nagtangka umano ng panlalaban ang mga suspek na humantong sa putukan. Napatay sa engkwentro ang isang kasama nila na si Jomar Inidal Dandugan, habang si Adta ay nakatakas at kasalukuyang tinutugis ng mga awtoridad. Narekober mula sa mga suspek ang isang Caliber .45 pistol (Colt MK IV), magazine at mga bala, at limang heat-sealed sachet ng hinihinalang shabu. Si Mangayao ay nasa kustodiya na ng Datu Montawal Municipal Police Station para sa kaukulang imbestigasyon at pagsasampa ng kaso.

Samantala, sa Barira, Maguindanao del Norte, bandang 9:30 ng gabi, napatay sa isa pang operasyon si Porok Marandakan Ragundo alyas “Rokkie”, isang notoryus na miyembro umano ng armadong grupo. Isinagawa ang operasyon ng tropa ng Marine Battalion Landing Team-2 sa pamumuno ni Lt. Col. John A. Dela Cruz, katuwang ang CIDG-RFU BARMM at Barira Municipal Police Station sa Sitio Barikid, Barangay Kurusoyan.

Nang subukang isilbi ang warrant of arrest para sa mga kasong murder, frustrated murder, at robbery, nagpaputok umano si Ragundo sa mga awtoridad, dahilan upang gumanti ng putok ang tropa na nauwi sa kanyang pagkasawi. Ayon sa impormasyong natanggap mula sa isang confidential informant, planong magsagawa si Ragundo ng transaksyon sa pagbebenta ng armas sa nasabing lugar kaya agad isinagawa ang entrapment operation.

Nasamsam sa kanya ang isang M16 rifle, M14 rifle, ilang magazine at bala, isang granada, at isang holster ng Caliber .45 pistol. Si Ragundo ay itinuturing na bahagi ng isang armadong grupong sangkot sa mga ilegal na aktibidad tulad ng gun-for-hire, robbery-holdup, at illegal drug trade sa rehiyon.

Ayon kay Major General Donald M. Gumiran, Commander ng 6th Infantry (Kampilan) Division at Joint Task Force Central, ang matagumpay na operasyon ay patunay ng epektibong koordinasyon ng AFP at PNP:

“Ang mga matagumpay na operasyong ito ay sumasalamin sa matatag na ugnayan at koordinasyon ng AFP at PNP. Patuloy nating pinapaigting ang suporta sa pagpapatupad ng batas upang gawing ligtas ang ating mga komunidad mula sa banta ng ilegal na droga, armas, at armadong grupo. Binabati ko ang ating mga tropa sa kanilang katapangan at mabilis na aksyon.”

Nanawagan din ang Joint Task Force Central sa publiko na patuloy na makipagtulungan sa mga awtoridad sa pamamagitan ng pag-uulat ng kahina-hinalang aktibidad upang mapanatili ang kapayapaan at seguridad sa rehiyon.