TANTANGAN, SOUTH COTABATO – Isa ang naaresto matapos ang ikinasang search warrant operation ng mga otoridad sa Purok Upper Maligaya, Barangay Poblacion, Tantangan, South Cotabato nitong Hulyo 15, 2025, kung saan nasamsam ang isang baril, mga bala at hinihinalang ilegal na droga.
Kinilala ni Police Colonel Samuel T. Cadungo, Provincial Director ng South Cotabato Police Provincial Office, ang suspek sa alyas na “Patu,” 41 taong gulang, may asawa, at residente ng naturang lugar.
Sa isinagawang operasyon ng Tantangan Municipal Police Station katuwang ang South Cotabato Provincial Drug Enforcement Unit (SCPDEU), 1st Sultan Kudarat Provincial Mobile Force Company (SKPMFC), South Cotabato Provincial Intelligence Unit (SCPIU), 38th Infantry Battalion – Alpha Company ng Philippine Army, at PDEA Region 12, nakumpiska ang isang (1) yunit ng 9mm Uzi-sub machine gun na may apat (4) na bala at dalawang (2) sachet ng hinihinalang shabu.
Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, at Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.