Isang lalaki ang nasawi matapos pagtatagain ng kanyang kainuman na kapwa niya empleyado sa isang kumpanya, sa insidente na naganap pasado alas-11 ng gabi noong Hunyo 17, 2025, sa Barangay Cannery Site, Polomolok, South Cotabato.
Kinilala ang biktima sa alyas si “Edward”, may asawa at residente ng Barangay Poblacion, habang ang suspek naman ay si alyas Rolan, 39 anyos, na residente din ng nasabing lugar at parehong nagtatrabaho sa Polo SN.
Ayon sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, nag-iinuman umano ang dalawa sa bahay ng suspek nang magkasagutan dahil sa labis na kalasingan.
Sa gitna ng pagtatalo, kumuha umano ng bolo si Roland at pinagtaga sa ulo ang biktima.
Agad naman na tumakas ang suspek matapos ang krimen, habang ang biktima ay isinugod pa sa pinakamalapit na ospital ngunit idineklara ng doktor na dead on arrival.
Isa sa mga tinitingnang motibo ng mga pulis ay ang personal na alitan sa pagitan ng dalawa.
Patuloy naman ang hot pursuit operation ng Polomolok PNP upang maaresto ang tumatakas na suspek.