-- ADVERTISEMENT --

Arestado ang isang lalaki matapos makumpiskahan ng baril at ilang pakete ng hinihinalang shabu sa isang operasyon ng pulisya sa Barangay Poblacion 1, Banisilan, Cotabato nito lamang umaga ng Pebrero 24, 2025.

Sa bisa ng Search Warrant, inilunsad ng pinagsanib na pwersa ng mga operatiba ng Banisilan Municipal Police Station (MPS), Cotabato Police Provincial Office, Regional Mobile Force Battalion 12, Cotabato Provincial Mobile Force Company, at PNP SAF ang operasyon laban sa kinilalang suspek na si alyas “Edwin”, 48 taong gulang, may asawa, magsasaka, at residente ng Brgy. Poblacion 2, Banisilan, Cotabato.

Matagumpay na isinagawa ang paghalughog sa bahay ng suspek, kung saan narekober sa pag-iingat nito ang isang unit ng kalibre .38 revolver, Limang (5) live ammunition ng kalibre .38, Dalawang (2) piraso ng heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu

Ang search warrant ay inilabas ni Hon. Judge Christina T. Haw Tay-Jovero ng RTC 12, Branch 24, alinsunod sa paglabag sa RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act). Ginamit sa operasyon ang isang alternative recording device upang maitala ang buong proseso ng pagsisiyasat.

Matapos maaresto, agad na ipinaalam sa suspek ang kanyang mga karapatang konstitusyonal, at dinala siya sa istasyon ng pulisya para sa kaukulang dokumentasyon at pagsasampa ng kaso.