-- ADVERTISEMENT --

Ginagamot na ngayon sa hospital ang isang estudyante na nasugatan matapos na ma-sideswipe ng isang sasakyan sa Urban Dos, Brgy. Sto. Nino, Koronadal City.

Ito ay kinumpirma ni PMSGT Leo Dimaculangan, Traffic Investigator sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.

Kinilala ni Dimaculangan ang estudyante na si Sugar Daquipil, 19 anyos at residente ng nasabing lugar, habang ang driver naman ay si Tahako Sayin na residente ng Brgy. Tamnag, Lutayan, Sultan Kudarat.

Ayon sa imbestigasyon, habang naghihintay ang estudyante ng tricycle sa interseksyon, bigla siyang na-side swipe ng Hyundai accent na sasakyan na mabilis ang pagpapatakbo.

Dagdag pa ni Dimaculangan, nag-overtake ang Hyundai Accent, ngunit bigla ring nag-overtake ang nasa harap nitong sasakyan, kaya’t iniwasan ito ng driver at na-side swipe si Daquipil.

Dahil sa lakas ng impact ng pagkakabangga, tumilapon ang biktima at nagtamo naman ng sugat sa katawan ang biktima na agad na dinala sa bahay-pagamutan.

Sa ngayon, tinanggap din ng driver ng Hyundai Accent ang responsibilidad at may kasunduan o memorandum of agreement ang driver at ang pamilya Daquipil , ang pagsang-ayon ng pamilya na hindi na kasuhan ang driver at maging liable sa pagpapagamot sa estudyante.

Kasabay nito nagpapaalala ang Koronadal City Traffic PNP sa lahat ng motorista na mag-ingat at sumunod sa mga traffic rules at regulations upang maiwasan ang mga aksidente sa kalsada.