Patay ang isang motorcycle driver matapos itong mabangga ng isang sasakyan sa kahabaan ng Purok 5, Bialong, M’lang, Cotabato.
Kinilala ang biktima na si Jesus Tubigan, 60 anyos, residente ng Brgy. Ugpay, M’lang, Cotabato.
Samantala, ang driver ng sasakyang sangkot sa aksidente ay kinilalang si Lito Dalisay, isang pastor.
Batay sa imbestigasyon, pumutok umano ang gulong ng sasakyan ni Dalisay habang pauwi ito sa M’lang, dahilan upang mabangga nito ang motorsiklong minamaneho ni Tubigan.
Dahil sa lakas ng impact, tumilapon si Tubigan at sumabit sa isang puno, na agad niyang ikinasawi.
Samantala, ang angkas ni Tubigan ay kasalukuyang nasa kritikal na kondisyon, habang nagpapagaling naman sa ospital si Dalisay.
Patuloy pang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang insidente upang malaman ang posibleng pananagutan ng mga sangkot sa aksidente.