Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga otoridad sa nangyaring pamamaril-patay sa isang player ng Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL) sa bayan ng Mlang, Cotabato province.
Kinilala ang biktima na si Ken Fred “Kentoy” Segura, ang 26-anyos na dating shooter guard ng Arellano University at MPBL player.
Ayon sa Mlang PNP, nangyari ang pamamaril alas 7:07 kagabi habang nsakay sa kanyang Wigo sa bahagi ng National Highway, Barangay Pulang Lupa sa bayan ng Mlang, Cotabato.
Agad pang dinala sa ospital ang biktima at isinailalim sa operasyon ngunit binawian ito ng buhay.
Sa salaysay naman ng pamangkin nito na kanyang kasama nang mangyari ang pamamaril, dumayo lamang umano sa Mlang ang biktima upang maglaro ng basketball ngunit binaril ito ng gunman na nakasakay sa kotse.
Sa ngayon, inaalam na ng pulisya kung ano ang motibo ng krimen at kung sino ang suspek.
Napag-alaman na naulila ni Segura ang kanyang maybahay at dalawang anak na maliliit pa.
Umaapela naman ng hustisya sa ngayon ang pamilya ng basketbolista sa nangyari sa kanya.