Nasa kritikal nga kondisyon sa ngayon ang isang 17-anyos na babae samatalang sugatan naman ang dalawang iba pa sa nangyaring malagim na aksidente sa kahabaan ng Purok 9A, Barangay Poblacion, Tupi, South Cotabato.
Kinumpirma ni Emil Sumagaysay MDRRMO ng Tupi, South Cotabato, sa isang panayam ng Bombo Radyo Koronadal,
ang nasabing insidente na kinasangkutan ng dalawang motorsiklo — isang XRM 125 at isang Raider 150.
Nakilala ang biktima ng XRM 125 na minamaneho ni Rea Del Mundo, 17 anyos, residente ng Purok 3, Barangay Poblacion, Tupi, South Cotabato.
Samantala, ang mga sakay ng Raider 150 ay sina Christian P. Javier, 20 anyos, taga-Purok 2, Barangay Poblacion, Tupi, at ang backrider nito na si Mark Peter Esguera, 19 anyos, mula sa Purok 10, Barangay Poblacion, Tupi.
Ayon kay Sumagaysay, mabilis umano ang takbo ng Raider 150 nang hindi nito naiwasang mabangga ang tumatawid na XRM 125 sa kalsada.
Dahil sa lakas ng impact ng pagkakabangga, nagresulta ito sa matinding sugat ng mga biktima, partikular kay Del Mundo na minamaneho ang XRM 125, na ngayon ay nasa kritikal na kondisyon dahil sa lakas ng pagkakasalpok.
Agad namang rumesponde ang mga tauhan ng Tupi MDRRMO at isinugod sa pinakamalapit na ospital ang mga biktima upang mabigyan ng kaukulang medikal na atensyon.
Patuloy naman na nananawagan si Sumagaysay sa publiko na palaging pairalin ang pag-iingat sa kalsada at sundin ang mga panuntunan sa kaligtasan sa daan, partikular na ang pagbabawas ng bilis sa mga interseksyon.