Nakumpiskahan ng ilang pakete ng hinihinalang shabu at baril ang ang isang 49-anyos na lalaki matapos na ihain sa kanya ang isang search warrant sa mismo nitong tahanan sa Brgy Bukay Pait, Tantangan, South Cotabato noong kagabihan ng Disyembre 15, 2024.
Kinilala ang nahuling suspek na si alyas “Rasay”, 49 anyos, may-asawa, at residente ng nasabing lugar.
Sa ulat ng Tantangan Municipal Police Station, dakong alas-7:19 ng gabi nang ihain ng kanilang hanay kasama ang mga tauhan ng South Cotabato Police Drug Enforcement Unit, 1st Souoth Cotabato Provincial Mobile Force Company at 1205th RMFB 12, ang search warrant laban sa suspek na kung saan narekober sa loob ng pamamahay nito ang siyam na piraso ng heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng pinaghihinalaang shabu, isang unit ng cal. 45 pistol na baril na may kasamang magazine at 15 bala, at iba pang pinaniniwalaang drug paraphernalia.
Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) at kasong may kaugnayan sa iligal na droga.
Ang Pambansang Pulisya katuwang ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan ay patuloy sa pagpapaigting ng kanilang kampanya kontra kriminalidad. Ito ay alinsunod sa isa sa pangunahing prayoridad ng adminitrasyon na labanan ang mga sindikato ng droga at sa mga taong patuloy na gumagawa ng ilegal na aktibidad.