-- ADVERTISEMENT --

KORONADAL CITY – Bumuo ng Special Investigation Task Group (SITG) ang pulisya upang mapadali ang pagresolba sa nangyaring pagpaslang sa Vice mayoral aspirant sa Tantangan, South Cotabato na si E-Barangay Bukay-pait Chairman Jose Osorio.

Ito ang kinumpirma ni PCol. Samuel Cadungon, provincial director ng South Cotabato sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal. Ayon kay Col. Cadungon, layunin ng binuong task group na mapadali ang imbestigasyon at makilala ang pumatay kay Osorio.

Kasunod din ito ng inihayag ni South Cotabato 2nd district Rep. Peter Miguel na magbibigay ito ng P1 million reward money sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon upang ma-identify at maaresto agad ang may kagagawan sa krimen.

Dagdag pa ni Cadungon, isa sa mga anggulong tinitingnan ng pulisya ay ang land conflict dahil sa matagal na umanong may kaalitan sa lupa ang biktima kung saan may mga isinampang kaso ito sa korte.

Ngunit, hindi pa rin inaalis ang motibong pulitika dahil sa kandidato ito sa pagka-bise alkalde ng bayan ng Tantangan. Matatandaan na natagpuan na lamang na wala nang buhay sa loob mismo ng pamamahay nito ang biktima na may tama ng bala sa ibat-ibang bahagi ng kanyang katawan.

Sa ngayon, wala pang inanunsyo ang kapartido nito kung sino ang ipapalit sa kanya bilang ka-tandem ni former mayor Benjamin Figueroa sa isasagawang halalan sa susunod na taon.