-- ADVERTISEMENT --

KORONADAL CITY – Patuloy na nananawagan sa ngayon ng hustisya ang pamilya ng 58 biktima ng Maguindanao massacre na huwag kalimutan ang trahedya lalo na ang brutal na pagpatay noong Nobyembre 23 taong 2009 sa Sitio Masalay, Barangay Salman, Ampatuan, Maguindanao del Sur.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal sa pamilya Maravilla, masama ang kanilang loob dahil naaalala lamang umano ang karumal-dumal na krimen pagdating ng buwan ng Nobyembre dahil hanggang sa ngayon hindi pa malinaw kung makakamit nga ba nila ang inaasam na “full justice”.

Ayon kay Janchiene Maravilla, pangalawang anak ni Bombo Bart, labing-limang taon na silang nagdurusa sa sakit at pait na idinulot ng pagkamatay ng kanilang padre de Pamilya at hindi man lamang nagbayad ng kanilang kasalanan ang lahat ng mga salarin. Sa ngayon, tatlo na silang nakapagtapos ng pag-aaral at sa katunayan may apong lalaki na si Bombo Bart ngunit mailap pa rin umano ang hustisyang kanilang hinahanap.

Hindi rin ikinaila ng pamilya Maravilla na natatakot pa rin sila sa kanilang seuridad lalo na sa pagbisita sa massacre site dahil sa nananatiling makapangyarihan ang kanilang kalaban at utak ng krimen.

Ngunit sa kabila nito, kasama ang pamilya Maravilla, sina Ginang Ivy Maravilla at anak nitong si Janchiene sa iba pang kaanak ng mga biktima upang alalahanin ang kanilang mga mahal sa buhay, nagsagsawa ng misa doon, candle lighting, pag-aalay ng bulaklak at panalangin.

Kaya’t kasabay ng ika-15 na taong anibersaryo ng malagim na krimen ngayong araw hiling ng pamilya Maravilla kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr na tulungan silang umusad pa rin ang kaso, mahuli ang mga at-large pa rin na suspek at maibigay na rin ang kumpensasyon na sa katagalan ay hindi pa rin nakukuha ng kanilang pamilya.

Napag-alaman na noong linggo ay una nang binisita ng mga kaanak ng mga biktima ang massacre site sa Sitio Masalay, Barangay Salman, Ampatuan, Maguindanao de Sur.