Tiklo ang isang 34 anyos na lalaki matapos makumpiskahan ng ilegal na baril at droga sa mismong tahanan nito sa Purok Aranda, Brgy Libertad, Surallah, South Cotabato kaninang umaga lamang, Setyembre 10, 2024.
Kinilala ni Police Lieutenant Colonel Conrado N Jovero Jr., hepe ng Surallah Municipal Police Station ang suspek na si alyas “Toto”, 34-anyos at residente ng naturang lugar.
Ayon kay PLtCol. Jovero Jr., bandang 6:05 nitong umaga ng sinalakay ng mga awtoridad ang bahay ng suspek at nasamsam ang isang yunit ng cal. 38 na baril, dalawang bala nito, isang yunit ng cal. 45, dalawang bala nito, dalawang transparent plastic ng pinaghihinalaang shabu na may timbang na 0.40 gramo na nagkakahalaga ng Php2,720.00.
Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act at kasong may kaugnayan sa ilegal na droga.
Kaya naman bilang tugon dito ay walang humpay ang Pambansang Pulisya sa pagsasagawa ng iba’t ibang operasyon at kampanya na nakatutok sa rehabilitasyon at reintegration para sa mga kabataan upang makaiwas sa ilegal na droga, ganundin upang hulihin ang mga taong sangkot sa paggamit, pagbebenta, at nagbibigay proteksyon dito.