KORONADAL CITY – May natukoy nang persons of interest sa panibagong insidente ng motornapping at pamamaril-patay sa bayan ng Lambayong, Sultan Kudarat.
Ito ang kinumpirma ni Police Lt. Joshua Cruz, ang spokesperson ng Lambayong Municipal Police Station sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.
Kinilala ni Cruz ang biktima ng pamamaril-patay at motornapping na si Mike Angelo Malazo, 33 anyos, residente ng Tacurong City, Sultan Kudarat, at isang lending company collector. Nasawi ang biktima matapos pagbabarilin ito ng dalawang armadong lalaki sa kahabaan ng Brgy. Didtaras, ng naturang bayan
Nagkataon na mangongolekta si Malazo sa nasabing lugar nang biglang tinambangan ito ng mga suspek at inagaw ang kanyang minamanehong motorsiklo.
Dagdag pa ni Cruz, nakipagbarilan pa sa mga pulis ang 2 mga suspek nang kanilang maabutan. Isang suspek naman ang nasugatan. Nagtungo naman sa isang daan ang mga suspek na isang shortcut patungong probinsiya ng Maguindanao del Sur.
Nabawi naman ng mga pulisya ang isang Kawasaki TMX at Honda XRM motorcycle na ginawang get away vehicle ng mga salarin.
Sa karagdagan, na-claim na rin sa PNP ng 2 mga taga President Quirino na biktima rin ng motornapping incident ang mga motorsiklo.
Samantala, patay rin sa isang hot pursuit operation ng mga pulisya ang isang motornapper na nagnakaw ng isang motorsiklo sa Tacurong City, Sultan Kudarat. Nagtungo rin ito sa direksiyon ng Lambayong, Sultan Kudarat kung saan na-alerto ang mga checkpoint at kapulisan ng Lambayong. Sa halip na sumuko ito, nakipagpalitan pa ito ng putok sa kapulisan.
Hindi naman inaalis ng pulisya ang posibilidad na ang nangyaring motornapping incident sa Tantangan, South Cotabato, Tacurong City, Sultan Kudarat, at Lambayong, Sultan Kudarat ay konektado.
Sa ngayon, pinapaigting ng mga kapulisan ang “crime prevention” kung saan ini-implement ang masinsinang checkpoints habang tinutugis ang mga nakilalang mga motornappers at upang mapanatili ang peace and security sa Lugar at IBA pang karatig na probinsiya.