Nahikayat ng militar, pulisya at pamahalaang lokal ng Pagalungan sa probinsiya ng Maguindanao del Sur ang tatlong mga kasapi ng teroristang grupo dahilan para magbalik-loob ang mga ito sa pamahalaan.
Ayon kay Lt. Col. Rowel Gavilanes, pinuno ng 90th Infantry (Bigkis-Lahi) Battalion na ang mga sumukong indibidwal ay sa ilalim ng grupo ni Almoben Sebod alias Al.
Hindi naman ibinunyag ni Lt. Col. Gavilanes ang pagkakakilanlan ng tatlo para sa kanilang seguridad kung saan sabay din nilang isinuko ang dala nilang kagamitang pandigma na kinabibilangan ng: isang Caliber 30 Garand rifle, dalawang Improvised Explosive Device (IED), isang Engram Rifle, RPG at isang bala ng 81mm Mortar.
Agad namang iprenisinta ni Lt. Col. Gavilanes ang tatlong mga dating nabiktima ng maling ideolohiya at sirkumstansiya kay Brigadier General Donald Gumiran, ang Brigade Commander ng 602nd Brigade.
Ang simpleng programa ay dinaluhan din ni Hon. Salik P Mamasabulod, ang Mayor ng Pagalungan Municipality. Tumanggap din ng financial na tulong ang tatlo mula sa LGU Pagalungan.
Ang simpleng programa ay isinagawa sa Municipal Hall ng Brgy Poblacion, Pagalungan, Maguindanao Del Sur, dakong alas-3:30 ng hapon nitong ika-8 ng Agosto ng taong kasalukuyan.
Agad namang pinuri ni Major General Antonio Nafarrete, ang Commander ng 6ID at Joint Task Force Central, ang magandang hakbang na ito ng tatlo. Pinasalamatan din niya ang lokal na pamahalaan, mga kasundaluhan at pulisya sa tagumpay na ito.
Naniniwala ang pinuno ng 6ID na biktima lamang ang tatlo ng maling impormasyon na ikinintal sa kanilang isipan.