-- ADVERTISEMENT --

KORONADAL CITY – Nasa higit 200 daang mga baboy ang isinailalim sa depopulation o inilibing mula sa isang barangay sa bayan ng Midsayap, Cotabato matapos na magkaroon ng sakit at magpositibo sa African Swine Fever.

Ito ang kinumpirma ni Municipal Agriculturist Dr. Charlimagne Fugata.

Ayon kay Fuguta, lumabas ang resulta ng mga blood sample na ipinadala sa General Santos mula sa pitong mga baboy sa Barangay Malamote, Midsayap at kumpirmadong positibo ang mga ito sa African Swine Fever.

Kaugnay nito, higit 100 mga baboy ang inilibing sa pangunguna ng Agriculuture Office ngunit nitong nakaraang linggo ay nauna nang nagkusa ang mga apektadong hog raisers sa pag-depopulate ng kanilang mga baboy kung saan nasa mahigit 100 din.

Dagdag pa ni Fuguta, bukod sa Barangay Malamote, may mga sintomas na ring nakikita sa dalawang katabing mga Barangay kaya mas naghigpit pa sa ngayon ng biosecurity measures ang LGU para ma-contain at hindi na ito kumalat pa sa ibang mga Barangay.

Hinikayat sa ngayon ng lokal na pamahalaan ng Midsayap ang mga mamamayan na tangkilikin ang pagbili ng karne sa mga accredited meat shops at sa Mega Market upang masiguro na ASF free ang mga ito. Napag-alaman na isa sa mga tinukoy na dahilan ng LGU Midsayap sa pagkalat ng ASF sa Barangay Malamote ay ang pag-uwi umano ng karne galing sa fiesta mula sa ibang mga Barangay.

Sa ngayon, naka-lockdown ang nabanggit na baranggay dahil sa halos nasa 90% ng mga baboy doon ay nahawa ng ASF.

Ipinsiguro naman ng LGU na nakatutok sila sa ngayon upang mapigilang kumalat pa sa ibang lugar ang virus.