KORONADAL CITY – Dead on the spot ang magkapatid at isang guro matapos na inararo ng isang government vehicle na pick-up ang dalawang motorsiklo sa national highway, Barangay Saravia, Koronadal City pasado alas-6 ngayong gabi.
Ito ang kinumpirma ni PMsgt. Leo Dimaculangan sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.
Ayon kay Dimaculangan, mula sa General Santos City ang Mitsubishi Estrada na pagmamay-ari ng Department of Agriculture na may kargang mga construction materials nang pagdating sa lugar ay nagtangka itong mag-overtake ngunit nakasalubong nito ang isang motorsiklo na kanyang unang nabangga, bumalik ito sa kabilang lane at nabangga naman ang isang motorsiklo.
Sa lakas ng impact ng pagkakabangga ng pick-up sa mga motorsiklo ay tumilapon ang mga sakay nito.
Sa inisyal na imbestigasyon, kinilala ang magkapatid na nasawi na sina Vivian Hilaria, 3rd year criminology student at nakababatang kapatid nitong babae na nasa Grade 12 habang ang nasawing guro na isa ring babae ang nagmamaneho ng isa pang motorsiklo na inaalam pa ang pangalan.
Sa ngayon, nasa limang mga sugatan pa ang dinala sa pinakamalapit na ospital para sa agarang lunas.
Nagpapatuloy naman ang imbestigasyon ng mga otoridad sa nangyaring aksidente sa daan.
Sa salaysay naman ni Ginang Myrna, nakita niya mismo ang mabilis na takbo ng pick-up ng DA at ang pag-araro nito sa mga motorsiklo.
Napag-alaman na ang dalawang magkapatid na nasawi ay bumili lamang ng gasolina na kapwa mga residente ng Tolosa Village, Barangay Saravia, Koronadal City.