KORONADAL CITY – Mas hinigpitan sa ngayon ng mga local government units (LGU) ang monitoring sa mga lugar na naging positibo ang African Swine Fever matapos maitala ang pagpositibo ng mga baboy sa ilang barangay sa Tacurong City at 3 pang bayan sa lalawigan ng Sultan Kudarat. Ito ang kinumpirma ni Sultan Kudarat Provincial Veterinarian Dr. Edwin Naci sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.
Ayon kay Naci, ang mga barangay sa lungsod ng Tacurong na infected sa Swine Fever o ASF ay kinabibilangan ng Barangay Baras at Katungal. Sa katunayan, nasa higit 30 mga baboy na kumpirmadong may ASF ang isinailalim sa culling o inilibing upang hindi na makahawa pa.
Samantala, ang mga barangay sa mga bayan ng Columbio, Bagumbayan at Isulan ay nakapagtala na rin ng positibong kaso kung saan may mga baboy na rin na isinailalim sa depopulation. Ngunit, aminado ang opisyal na maraming mga hig raisers pa rin ang hindi agad pumapayag na kumpiskahon ang mga baboy ng mga ito hangga’t hindi lumalabas ang resulta ng test.
May ilang mga baboy na rin sa ilang barangay sa bayan ng Lambayong ang nakikitaan ng mga sintomas at nakatakdang isailalim sa test upang makumpirma.
Kaugnay nito, hinigpitan ng LGU-Sultan Kudarat ang panawagan sa mga hog raisers na iwasang maglabas ng baboy o mga meat products lalo na sa mga lugar na may naitala nang positibo sa ASF. Kaugnay nito, maghihigpit naman ang LGU South Cotabato sa borders nito lalo na at karatig lalawigan lamang ang Sultan Kudarat upang maiwasan ang pagpasok ng mga baboy mula sa mga red zone area.
Panawagan naman ni Koronadal City Veterinary Officer Charlemaigne Calo na panatilihin ang biosafety measures sa mga piggery o lahat ng nag-aalaga ng baboy upang maiwasan na makapasok ulit ang ASF sa lungsod.