KORONADAL CITY – Naka-lockdown ngayon ang bayan ng Isulan, Sultan Kudarat makaraan ang nangyaring panibagong pagsabog sa isang internet shop na ikinasawi ng isa at ikinasugat ng tinatayang 15 iba pa.
Hanggang sa ngayon ay hindi pa rin nawawala ang trauma na nararamdaman ng mga residente ng Prk. Tagumpay, Brgy Kalawag 2 kaugnay sa pangyayari.
Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Isulan Mayor Marites Pallasigue, sinabi nito na nalilito at halos manghihina ang mga residente dahil sa bagong karahasang nangyari sa kanyang nasasakupan.
Nagtataka rin ang alkalde kung bakit nakalusot pa rin ang mga masasamang elemento sa kabila ng mahigpit na seguridad na ipinaiiral ng mga augmenting forces ng PNP at Armed Forces of the Philippines (AFP).
Samantala hustisya naman ang sigaw ng ilan sa mga kaanak ng panibagong pagpapasabog.
Ibinahagi ni Samuel Luda, ama ng namatay na si Jun Mark, na pakanta-kanta pa ito habang paalis sa bahay at gagawa sana ng paper works para sa kaniyang klase nang mangyari ang pagsabog.
Naganap ang pagsabog kagabi limang araw makaraan ang unang pagsabog sa kasagsagan ng Hamungaya Festival na kumitil ng tatlong katao at ikinasugat ng mahigit 36 na iba pa.
Batay sa huling datos, karamihan sa mga biktima ay mga kabataan.
Nakilala ang nasawi na dead on arrival sa Provincial Hospital na si John Mark Palencia Luda, 18, ng South Malingawun, Biwang, Bagumbayan, Sultan Kudarat.
Narito ang pangalan ng mga sugatan na isinugod sa ilang ospital:
Provincial hospital
1. Dabe Brian Mansibu Liliza, 20, Brgy. Kalawag 2, Isulan
2. Ray Mark Fugonay Agac-ac, 20, Brgy. Kalawag 2, Isulan
3. Paul Diaz Letrero, 15, Brgy. Kalawag 2, Isulan
4. Solis Amposa, 14, Brgy. Kalawag 2, Isulan
5. Marialyn Latocan Luda, 15, Brgy. Kalawag 2, Isulan
6. Jerson Bocoy, 22, Brgy. Kalawag 1, Isulan
Galang Doctors Hospital
1. Joshua Rute Somblingo, 21, Brgy. Bambad, Isulan
2. Fred Jaleco Casamayor, 14, Brgy. Kalawag 1, Isulan
Holy Nazarene Clinic
1. Ivan Letrero, 20, Brgy. Kalawag 1, Isulan
2. Rowe John Pewaso, 26, Brgy. Mapantig,Isulan
3. Jean Allaga Pequirda, 36, Brgy. Tayugo,Isulan
4. Timothy John Falces Pequerda, 5, Brgy. Tayugo,Isulan
Galinato Clinic
1. Rosalisa Paquilidan, 49, Sto. Niño, South Cotabato