KORONADAL CITY – Negatibo sa improvised explosive device ang natagpuang mga kagamitan na nagdulot ng pangamba sa mga residente sa bahagi ng Morales Ave., Brgy. GPS, nitong lungsod.
Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay PSSupt. Nestor Salcedo, Provincial Director ng South Cotabato Police Provincial Office (SCPPO), wala umanong mga indicators ng IED ang nilalaman ng mga ito.
Kaugnay nito, inimbitahan ng kapulisan ang dalawang lalaki na nag-iwan ng isang maleta at dalawang backpacks sa isang pawnshop at sinabing wala umanong masamang balak ang mga ito na pawang mga menor de edad.
Una nito, tumagal ng mahigit dalawang oras ang nasabing bomb scare bago pinasabog ng mga kasapi ng Explosive Ordnance Disposal (EOD) team kung saan kinordon naman ng Koronadal City PNP ang lugar, katuwang ang RPSB-12.
Nagpasalamat naman si Salcedo sa mamamayan sa pamamagitan ng Bombo Radyo Koronadal dahil sa mabilis na pag-report ng mga kaduda-dudang kagamitan na posibleng maging mitsa ng panganib sa pamayanan.