-- ADVERTISEMENT --

KORONADAL CITY – Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga otoridad sa Tampakan, South Cotabato sa pagpapasabog ng granada sa nasabing bayan.

Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Tampakan Indigenous People’s Mandatory Representative Amay Collado, sinabi nito na ang granada ay pinasabog sa Prk. San Francisco, Brgy. Pula Bato Tampakan South Cotabato.

Bunsod umano ito ng away sa pagitan ng dalawang lasing na nagkainitan sa gitna ng inuman.

Ayon kay Collado, nagalit daw ang suspek na si Johnrex Escalante, 30, sa biktimang si Albert Dabon alyas Tata, 20.

Nagtalo raw ang dalawa sa gitna ng kanilang inuman hanggang sa hinagisan ni Escalante ng granada si Dabon.

Dahil dito, nawasak ang katawan ni Dabon dahilan para kaagad ito binawian ng buhay.

Samantala, pagkatapos gawin ang krimen, nagtangka pang tumakas ang suspek gamit ang kanyang motorsiklo.

Subalit naaresto ito makaraang nadisgrasya sa harap ng military detachment sa nasabing bayan.

Sa ngayon nasa kustodiya na ng Tampakan PNP ang suspek at nakatakdang sampahan ng kaso.