KORONADAL CITY – Balik kulungan ang isang ex-convict at itinuturing bigtime supplier ng shabu at 3 pang mga kasama nito matapos maaresto sa isinagawang drug buy bust operation ng City Anti-Drug Abuse Council (CADAC) at Koronadal City PNP.
Kinilala ang mga naaresto na sina Jocelyn Palalay, residente ng Fernandez Village Calumpang, General Santos City; Myra Artieda, 39, may-ari ng bahay na ni-raid sa Purok Malipayon, Barangay Zone 111, Koronadal City; Jimmy Majarocon, 49, residente ng Purok Mabinuligon, Barangay Zone 3, Koronadal City at Jonathan Salazar, 50 na residente ng Bacolod City.
Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay CADAC Action Officer Dr. Glorio Sandig, si Palalay ay dati nang nahuli dahil sa pagtutulak ng droga ngunit nakapagpiyansa kaya’t nakalabas ng kulungan.
Samantalang si Artieda ay siya umanong itinuturo ng mga asset na nagbebenta ng droga sa lungsod ng Koronadal at isa sa mga target ng isinagawang operasyon.
Nakuha sa posisyon ng mga suspek ang limang gramo ng pinaniniwalaang shabu na nagkakahalaga ng halos P60,000, mga drug paraphernalia at cash na aabot sa P35,000.
Sa ngayon nasa kustodiya na ng Koronadal City PNP ang mga naaresto at nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa Article 2 section 5, 11 at 12 ng Republic Act 9165.






