KORONADAL CITY – Nananawagan ng tulong kay Pangulong Rodrigo Duterte ang halos 150 pamilya mula sa tribong T’boli na tulungan sila sa kanilang problema at mga hinaing laban sa SUMIFRU, ang kampanyang nangupahan sa kanilang mga lupa at nagmamay-ari na ngayon ng malawak na plantasyon ng saging sa bayan ng T’boli, South Cotabato.
Ayon kay Ben Diyan, isa sa mga nagmamay-ari ng lupa, noong Nobyembre 16 pa sila nagsimulang magbarikada at hindi umano sila hihinto o aalis sa lugar hangga’t hindi tinutupad ng SUMIFRU ang kanilang pangako.
Nais umano ng tribo na bayaran nang buo ng SUMIFRU ang 12 pang taong natitira mula sa 25 taon na pangungupahan sa kanilang lupa, ayon sa nilagdaan nilang kontrata.
Nabatid na P10,000 lamang kada taon ang ibinabayad ng kumpanya sa mga land owners mula sa mga barangay ng New Dumangas, Laconon at Sala Café at aminado ang mga ito na binarat sila ng mga ito.
Dagdag pa nila na yumayaman ang SUMIFRU ngunit sila ay namumulubi at walang makain dahil apektado na rin ng lason mula sa “aerial spray” ang kanilang mga pananim.
Mag-aapat na taon na umano ang apela ng tribo sa SUMIFRU ngunit hindi tinutupad ng pamunuan nito ang kanilang pangako.
Maliban dito, hindi rin natupad ng kumpanya ang nakasaad sa kontrata na makatatanggap ng benepisyo, tulad ng health services ang mga land owners dahil kahit pagpapa-ospital ay hindi magawa ng mga ito.
Napag-alaman na habang nagbabarikada ang tribo ay nagawa pa umanong magsagawa ng aerial spray ang SUMIFRU.
Kaugnay nito, nanawagan na rin si Sr. Susan Bolanio, executive director ng OND-HESED Foundation na dapat pakinggan ng SUMIFRU ang hinaing ng mga land owners dahil mga matatanda na ang mga ito at nagugutom na dahil walang mapagkunan ng pagkain.