-- ADVERTISEMENT --

KORONADAL CITY- Umabot sa mahigit 2 libong raliyesta ang nagtipon-tipon sa lungsod ng Koronadal upang ipanawagan kay Pangulong Rodridgo Duterte na alisin na ang tax na ipapataw sa mga kooperatiba sa bansa.

Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Rey Abella, isa sa mga board of directors ng kooperatiba sa Mindanao, kabilang sa mga dahilan kung bakit hindi dapat patawan ng buwis ang kooperatiba ay 90% umano sa mga miyembro nito ang galing sa mahihirap na sektor katulad ng mga magsasaka, ordinaryong trabante at OFWs.

Maliban dito, hindi umano lalaki ang mga kooperatiba kung ito ay bubuwisan ng gobyerno at liliit din ang serbisyong maibibigay ng mga ito sa kanilang mga miyembro na karamihan ay mahihirap.

Napag-alaman na nagmula sa iba’t ibang bahagi ng Mindanao ang mga sumali sa kilos-protesta na tinawag nilang “Mindanao Synchronized Convergence of Cooperatives.”

Umaasa naman si Abella at ang mga kasamahan nito na pakikinggan ng mga opisyal ng gobyerno kasama na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanilang kahilingan.