-- ADVERTISEMENT --

Hustisya ang sigaw ngayon ng pamilya ng isang 9-anyos na batang lalaki matapos umanong bugbugin ng limang high school students sa Iligan City.

Batay sa inisyal na ulat, pauwi na mula sa paaralan ang biktima na isang Grade 3 pupil ng Maria Cristina Falls Elementary School at residente ng Purok 30, Zone 12 nang lapitan at pag-tripan umano ng mga suspek.

Ayon sa mga saksi, pinagtulungan at sinaktan ng limang kabataang pawang high school ang biktima, kung saan ilang ulit umanong sinuntok sa ulo.

Dahil dito, nagtamo ng matinding pinsala at mataas na lagnat ang bata, dahilan para isugod sa Northern Mindanao Medical Center sa Cagayan de Oro City.

Patuloy ngayon na nakikipaglaban para sa kanyang buhay ang biktima sa loob ng ospital.

Nanawagan naman ang pamilya na matulungan sila sa kanilang pang-araw-araw na gastusin habang ginagamot ang bata, at agarang maaresto ang mga suspek upang mapanagot sa batas.