Hindi bababa sa walong katao ang nasawi matapos manalasa ang malakas na ulan dulot ng shear line sa Davao Region, ayon sa Office of Civil Defense (OCD).
Sa panayam, sinabi ni OCD Region XI Director Ednar Dayanghirang na apat sa mga biktima ay mula sa Davao de Oro, habang ang iba naman ay naitala sa Davao Oriental. Lahat ng nasawi ay pinaniniwalaang namatay dahil sa pagguho ng lupa kasunod ng tuluy-tuloy at matinding pag-ulan.
Maliban sa mga nasawi, halos 20,000 pamilya sa Davao de Oro ang naapektuhan ng masamang panahon. Tinatayang umabot naman sa P376 milyon ang halaga ng pinsala sa sektor ng agrikultura sa nasabing lalawigan.
Binigyang-diin ni Dayanghirang ang agarang pangangailangan na maayos ang drainage system sa mga pangunahing kalsada upang maiwasan ang pagbaha. Ayon sa kanya, hindi maayos at kulang ang mga drainage sa national roads, kaya’t walang maayos na daluyan ang rumaragasang tubig mula sa kabundukan.













