Walo (8) ang nasawi habang pitong (7) matataas na kalibre ng baril ang narekober sa magkahiwalay na engkwentro sa pagitan ng militar at mga armadong miyembro ng Communist NPA Terrorists o CNTs sa Barangay San Isidro, Las Navas, Northern Samar nitong Hulyo 31, 2025.
Ayon sa 8th Infantry “Stormtroopers” Division, unang naganap ang sagupaan pasado alas-dos y medya ng madaling araw matapos makatanggap ng impormasyon mula sa isang nagmalasakit na residente hinggil sa presensya ng mga armadong rebelde na nangongotong at nananakot sa mga lokal na magsasaka.
Napuruhan ng militar ang matibay na kampo ng kalaban na may nakatanim na mga anti-personnel mines na mahigpit na ipinagbabawal sa ilalim ng International Humanitarian Law. Pitong rebelde ang napatay habang anim na high-powered firearms ang nasamsam sa operasyon.
Kasunod nito, muling nakaengkwentro ng tropa ng 803rd Infantry Brigade ang mga tumatakas na rebelde bandang alas-diyes ng umaga, na nagresulta sa pagkamatay ng isa pang miyembro ng CNT at pagkakakumpiska ng isang R4 rifle.
Binigyang-diin ng militar ang mahabang listahan ng karahasan ng EVRPC, kabilang na ang pananambang noong 2022 sa Eastern Samar na ikinasawi ng dalawang sundalo, ikinasugat ng isang bata, at nakapinsala ng mga ari-arian ng gobyerno at sibilyan.
Nanawagan naman si Las Navas Mayor Philbert Tan sa mga natitirang rebelde na magbalik-loob sa pamahalaan, kasabay ng pagtutol ng komunidad sa patuloy na extortion at pananakot ng grupo.
Pinasalamatan ni JTF Storm at 8ID Commander Maj. Gen. Adonis Ariel G. Orio ang suporta ng mga mamamayan at muling iginiit ang dedikasyon ng militar na wakasan ang insurhensiya sa Eastern Visayas.