Sumuko ang walong miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters o BIFF- Bungos Faction sa 90th Infantry Battalion ng Philippine Army sa Barangay Kabengi, Datu Saudi Ampatuan, Maguindanao del Sur.
Nangyari ang pagsuko sa pamamagitan ng pagtutulungan ng anim na Local Government Units, mga Municipal Police Station, Pamahalaang Panlalawigan ng Maguindanao del Sur, at ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM.
Pormal na ipinrisinta ni Lt. Col. Loqui Marco, commander ng 90IB, ang mga sumukong rebelde kay BGen Edgar Catu ng 601st Infantry Brigade.
Sa ilalim ng Balik-Loob Program, tumanggap sila ng pinansyal na ayuda, pangkabuhayan, at bigas mula sa mga LGU, habang itinurn-over naman ang kanilang mga armas para sa tamang disposisyon.
Pinuri ni BGen Catu ang desisyon ng mga sumuko at iginiit na ito’y tagumpay ng pagtutulungan ng pamahalaan, LGUs, pulisya, at komunidad tungo sa kapayapaan.
Samantala, binati rin ni Maj. Gen. Donald Gumiran ng 6th Infantry Division at JTFC ang mga tropa at katuwang na ahensya, at nanawagan sa natitirang miyembro ng BIFF na sumuko na rin dahil bukas ang pinto ng pamahalaan para sa mga naghahangad ng kapayapaan at mas magandang kinabukasan.