KORONADAL CITY – Nasa kustodiya na ngayon ng mga otoridad ang walong indibidwal, kabilang ang tatlong menor de edad, matapos mahuling lumalahok sa iligal na drag race sa Purok Crossing Fale, Barangay Manuel Roxas, Sto. Niño, South Cotabato nitong Huwebes, Oktubre 16, 2025.
Ayon kay Police Major Juncint Aput, hepe ng Sto. Niño Municipal Police Station, nagsasagawa ng drag racing ang mga suspek nang salakayin ng mga pulis ang lugar matapos makatanggap ng impormasyon mula sa mga residente.
Nasamsam sa operasyon ang dalawang motorsiklo na ginamit umano sa karera na agad dinala sa himpilan ng pulisya para sa beripikasyon at dokumentasyon.
Ang tatlong menor de edad ay itinurn-over sa Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) para sa kaukulang interbensyon, habang ang limang nasa hustong gulang ay nahaharap sa kasong paglabag sa Anti-Drag Racing Ordinance ng bayan.
Kaugnay nito, nagpaalala naman ang Sto. Niño Police sa publiko na ang drag racing sa mga pampublikong kalsada ay mahigpit na ipinagbabawal, dahil bukod sa paglabag sa batas, ay maaari rin itong magdulot ng aksidente at panganib sa buhay ng mga motorista at mamamayan.
Matatandaan na hindi ito ang unang pagkakataon na may namonitor na mga drag racers na nakikipagkarerahan sa national highway sa lalawigan.