Kapayapaan ang pinili ng pitong (7) miyembro ng Local Terrorist Group matapos na magbalik- loob sa gobyerno sa bayan ng Midsayap, North Cotabato.
Ito ang kinumpirma ni Lt. Col. Roden Orbon, tagapagsalita ng 6ID, PA sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.
Pinangunahan naman ito nina Col. Ricky Bunayog, Acting Commander ng 602nd Infantry (Liberator) Brigade kasama sina Lt. Col. Edgardo Batinay ang Commanding Officer ng 34IB, 11ID at PLt. Leonard Calayag ang Nabalawag, SGA-BARMM Chief of Police ang pag prisenta ng mga sumukong indibidwal kung saan bitbit ng mga into ang kanilang mga kagamitang pandigma na kinabibilangan ng dalawang M14 Rifle, dalawang M79 Grenade Launcher, dalawang Garand Rifle, at isang 7.62mm Barret Sniper Rifle, kasama ang mga bala nito.
Isinagawa ang pormal na pagbabalik-loob ng mga ito sa Legislative Building Social Hall ng Midsayap, North Cotabato.
Ikinagagalak naman ng mga opisyal ang piniling hakbang ng pitong (7) dating combatant para sa kapayapaan, kaunlaran ng kanilang komunidad at upang makasama na rin ang kanilang mga pamilya.
Samantala, nagpapatuloy rin ang boluntaryong pagsuko ng loose firearms at sa ngayon ay nasa kustodiya na ng mga otoridad.
Patuloy rin ang panawagan ni Lt. Col. Orbon at ang kanilang opisina sa lahat na bukas ang kanilang pamunuan para sa mga balak bumalik-loob sa gobyerno at pagtanggap ng mga isusukong loose firearms para naman makamit ang mapayapang komunidad sa rehiyon.