Kinumpirma ng New NAIA Infra Corp. (NNIC), ang namamahala sa operasyon ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA), na nasa “stable condition” na ang pitong indibidwal na nasugatan matapos mabagsakan ng kisame sa NAIA Terminal 1 nitong Biyernes Santo, Abril 3.
Ayon sa pahayag ng NNIC, agad na rumesponde ang medical team ng NNIC, pati na rin ang mga airport security personnel at Philippine National Police (PNP) Aviation Security Group upang matulungan ang mga biktima. Inabisuhan din ng NNIC ang mga awtoridad at ipinagbigay-alam sa publiko na agad kinordon ang West Arrival Curb C area sa labas ng terminal building, malapit sa food concession outlet, upang mapanatili ang kaligtasan ng mga tao.
Agad ding isinagawa ng engineering team ng NNIC ang inspeksyon sa lugar at kinumpirmang ligtas na ito para sa patuloy na operasyon ng paliparan. Sa kabila ng insidente, hindi naapektuhan ang ibang bahagi ng paliparan at hindi rin nagkaroon ng aberya sa flight operations.
Sa kasalukuyan, nagpapatuloy ang imbestigasyon upang matukoy ang sanhi ng pagbagsak ng kisame. Ang pamunuan ng NNIC ay nakikipag-ugnayan ng masinsinan sa mga awtoridad at tiniyak nilang gagawa ng nararapat na aksyon batay sa magiging findings ng imbestigasyon.
Binigyang-diin ng NNIC ang kanilang pangako sa kaligtasan ng mga pasahero, mga empleyado ng paliparan, at mga bisita. “We are extending all necessary assistance to those affected. The safety and well-being of passengers, airport workers and visitors remain our top priority,” sabi ng pamunuan ng NNIC.













