KORONADAL CITY – Kinumpirma ng Integrated Provincial Health Office (IPHO) ang pinakabatang kaso ng HIV sa lalawigan ng South Cotabato matapos magpositibo ang isang 7-anyos na batang lalaki.
Inihayag ni John Arlo M. Codilla, RN, MMHeA, head ng Disease Prevention and Control Unit ng IPHO, hindi ito inborn case o mula sa mother-to-child transmission. Base sa kanilang paunang pagsusuri at dahil sa edad ng bata, posibleng sexual transmission ang dahilan ng pagkakahawa.
Dahil dito, iniimbestigahan ng mga awtoridad ang posibilidad ng pang-aabuso o exploitation sa bata.
Kasama sa imbestigasyon ang pag-identify sa pinagmulan ng impeksyon, pag-interview sa posibleng saksi, at pag-record ng medikal na datos upang mapangalagaan ang welfare ng bata at pamilya. Bukod dito, naitala sa probinsiya ang 142 bagong reactive HIV results mula sa isinagawang screening mula Enero hanggang Setyembre 2025.
Ayon pa kay Codilla, ang mga bagong kaso ay mula sa iba’t ibang bayan at lungsod kabilang ang Koronadal City, Polomolok, Tupi, Tampakan, Surallah, Banga, Lake Sebu, T’boli, at ilang indibidwal na may hindi matukoy o pansamantalang tirahan (“Unknown”).
Sa kabuuan, umabot na sa 1,278 HIV cases sa lalawigan, na itinuturing na pinakamataas sa buong Rehiyon XII.
Patuloy nanawagan ang IPHO sa publiko na maging maingat, magsagawa ng regular na HIV testing, at agad humingi ng medikal na konsultasyon upang maiwasan ang paglaganap ng sakit.
Hinihikayat din nila ang mga magulang at komunidad na bantayan ang kaligtasan ng mga bata at makipag-ugnayan sa health services kung may kahina-hinalang sitwasyon.













