MIDSAYAP, COTABATO – Isang lalaking kapatid ng kasalukuyang alkalde ng Special Geographic Area (SGA) sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ang sugatan matapos siyang tambangan ng hindi pa nakikilalang salarin sa Barangay Agriculture, Midsayap, Cotabato, umaga ng Miyerkules, Hulyo 24,2025.
Kinilala ang biktima na si Dhen Mascud, kapatid ni Mayor Duma Mascud ng Kadayangan, isa sa mga bayan sa ilalim ng SGA sa BARMM. Ayon sa inisyal na ulat mula sa mga imbestigador, sakay umano ng kanyang sasakyan si Mascud bandang alas-7:00 ng umaga nang bigla siyang paulanan ng bala ng mga armadong suspek.
Nagtamo ng tama sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang biktima at agad na isinugod sa pinakamalapit na pagamutan para sa agarang medikal na atensyon. Hindi pa malinaw ang kondisyon ni Mascud sa ngayon.
Patuloy naman sa ngayon ang masusing imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang motibo sa likod ng pamamaril at pagkakakilanlan ng mga salarin.
Blangko pa rin ang pulisya kung may kaugnayan ang insidente sa politika o personal na alitan.
Samantala, nananawagan ang pamilya ng biktima ng hustisya at hinikayat ang sinumang may impormasyon hinggil sa insidente na makipag-ugnayan sa mga kinauukulan.