KORONADAL CITY – Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga otoridad sa isang hit-and-run incident sa Purok Ilang-Ilang, Barangay Saravia, Koronadal City, kung saan nasagasaan ang 69-anyos na biyuda na si Eleuteria Taburnal ng isang pulang RUSSI 125 na motorsiklo.
Ayon sa mga ulat, tumatawid si Taburnal mula sa kaliwang bahagi nang masagasaan siya ng motorsiklo na galing Tupi papuntang Barangay Carpenter Hill.
Tumilapon ang biktima dahil sa lakas ng impact habang natumba din ang motorisklo ngunit agad na tumakas ang suspek.
Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay PMSGT Fely Bascon, investigator ng PNP Traffic Section ng Koronadal City, ang suspek ay nakunan ng CCTV kung saan nakasuot ito ng pulang shorts, gray na jacket, itim na sombrero at may tatoo sa paa.
Sa ngayon, patuloy ang hot-pursuit-operation laban sa hindi pa nakilalang drayber ng motorsiklo. Sakaling mahuli ito mahaharap siya sa kasong Qualified Reckless Imprudence Resulting in Physical Injuries.
Samantala, ayon naman sa kapatid ng biktima na si Rosenda Lagunday, nanggaling lamang si Eleuteria sa kanilang bahay para uminom ng kape nang ipaalam sa kanya na siya ay nabangga.
Lumabas sa imbestigasyon ng mga otoridad na bumalik umano ang suspek sa Barangay Saravia pagkatapos ng insidente at hindi pa nakakalabas ng lungsod ng Koronadal.
Kaugnay nito, hiniling din ni Lagunday na sumuko na ang suspek upang matulungan ang biktima na makapagpagamot, dahil wala na itong asawa at anak lamang ang kasama.
Nakuha rin sa CCTV footage na mabilis ang takbo ng motorsiklo at nag-overtake, dahilan kung bakit nabangga ang senior citizen.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya at nanawagan sa mga saksi na magbigay ng impormasyon upang matukoy at mahuli ang suspek.













