ISULAN, Sultan Kudarat — Naaresto ang isang 60-anyos na magsasaka sa bisa ng search warrant matapos madiskubre ang mga ilegal na baril at bala sa kanyang tirahan sa Barangay Impao, Isulan, nitong Hulyo 26, 2025 bandang alas-6 ng umaga.
Kinilala ng pulisya ang suspek sa alyas “Sansaluna,” may asawa at residente ng naturang barangay.
Sa pangunguna ng Isulan Municipal Police Station, katuwang ang 1st Sultan Kudarat Provincial Mobile Force Company, Provincial Drug Enforcement Unit, Provincial Intelligence Unit, at ang 1202nd Mobile Company ng Regional Mobile Force Battalion (RMFB), naisagawa ang operasyon na nagresulta sa pagkakasamsam ng mga sumusunod:
- Isang 12-gauge shotgun na walang serial number
- Isang caliber .38 revolver, walang serial number
- Tatlong bala ng 12-gauge shotgun
- Tatlong bala ng caliber .38 na naka-load sa revolver
Nahaharap ngayon ang suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 10591, o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Iginiit ni Police Lt. Col. Julius R. Malcontento, hepe ng Isulan PNP, ang kahalagahan ng kanilang tuloy-tuloy na kampanya kontra loose firearms bilang bahagi ng pagpapanatili ng kaayusan at kaligtasan sa komunidad.
Hinikayat din ng pulisya ang publiko na maging mapagmatyag at agad iulat sa mga otoridad ang anumang kahina-hinalang aktibidad sa kanilang paligid.