KORONADAL CITY – Nasa kustodiya na ngayon ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang limang mga menor de edad na nahuli sa pagnanakaw ng mga gamit ng mga atleta sa nagpapatuloy na Socsksargen Regional Athletic (SRAA) Meet.
Ayon kay S/Insp. Rafael Banggay Jr, officer in-charge ng Tampakan PNP, nahuli nila ang limang menor de edad na responsable sa pagnanakaw ng mga sapatos at ilang gamit ng mga atleta mula sa Sarangani Province sa kanilang billeting quarters sa Tampakan National High School.
Matapos mai-report ang nangyaring nakawan ay agad na tinutukan ng pulisya ang nasabing kaso na nagresulta sa pagkakahuli ng mga estudyante sa Barangay Poblacion.
Napag-alaman na nagpanggap umano na mga atleta ang limang magkakaibigan na pawang mga estudyante ng Tampakan National High School upang makapasok sa nasabing paaralan.
Doon na nila nakuha ang nasabing mga gamit ng mga atleta tulad ng damit, sapatos at iba pa.
Humingi naman ng paumanhin ang hepe ng Tampakan PNP sa delegasyon ng Sarangani Province dahil sa kahihiyan na idinulot ng mga ito.
Nagpasalamat naman ang mga atleta at narekober pa ang lahat ng mga ninakaw na gamit ng mga ito.
Bukas ay magtatapos na ang SRAA 2018 kung saan ang South Cotabato ang host ngayong taon.