-- ADVERTISEMENT --

KORONADAL CITY -Sugatan ang apat katao nang mawalan ng kontrol ang driver ng isang DASIA Armored Vehicle, na nagresulta sa pag-overshoot at tuluyang pagkahulog sa bangin sa Koronadal City pasado alas-4 ng hapon, Martes, Agosto 12, 2025.

Ayon sa nakasaksi, galing Banga at patungong Koronadal ang sasakyan nang umano’y mag-loose brake at mawalan ng kontrol ang driver. Bago mahulog sa bangin, bumangga muna ang armored vehicle sa isang solar lamp post sa kahabaan ng National Highway, sa boundary ng Purok Tuburan, Barangay Sta. Cruz at Purok Langitnon, Barangay Zone 4.

Ang armored vehicle, na may body number 6576 at plate number LAH 8904, ay lulan ang apat na security guard. Tatlo sa kanila ay nagtamo lamang ng minor injuries, habang ang isa ay agad na isinugod sa South Cotabato Provincial Hospital matapos magtamo ng sugat sa ulo.

Sa ngayon, nananatili pa sa bangin ang sasakyan habang patuloy na iniimbestigahan ang sanhi ng aksidente.