-- ADVERTISEMENT --

Apat na katao ang nasugatan matapos bumagsak ang debris ng isang missile drone sa The Fairmont The Palm sa Palm Jumeirah, Dubai nitong Sabado ng gabi.

Ayon sa mga awtoridad, naharang ng air defense forces ng United Arab Emirates (UAE) ang naturang drone, ngunit may ilang bahagi nito ang bumagsak sa hotel na naging sanhi ng sunog.

Nangyari ang insidente sa gitna ng retaliatory missile attacks ng Iran laban sa ilang Gulf Arab states bilang tugon sa opensiba ng United States at Israel laban sa Iran.

Agad rumesponde ang mga emergency team matapos marinig ang malakas na pagsabog at mamataan ang malaking apoy sa gusali. Sa pahayag ng awtoridad, kinumpirma ng Dubai Civil Defence na kontrolado na ang sunog at ang apat na nasugatan ay agad na dinala sa mga pagamutan para mabigyan ng lunas.

Sa kabila ng insidente, pinayuhan ang mga residente at bisita sa lungsod na manatiling kalmado, umiwas sa mga apektadong lugar, at sumunod sa mga opisyal na anunsyo habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.