-- ADVERTISEMENT --

KORONADAL CITY – Nag-iwan ng apat na kataong patay ang banggaan ng passenger van at L-300 van sa bahagi ng Barangay Crossing Palkan, Polomolok sa South Cotabato.

Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Crossing Palkan Kapitan Camilo Cagande, kapwa papunta aniya sa direksyon ng Koronadal City ang dalawang sasakyan ngunit nag-overtake umano ang pampasaherong van na naging dahilan ng disgrasya.

Idineklara namang dead on arrival ang driver ng L-300 van at asawa nito, habang dalawa rin ang binawian ng buhay na miyembro ng pamilya Anciano.

Nabatid na nakasakay din sa L-300 van ang isang madre.

Maliban dito, ibinahagi ni Provincial Disaster Risk Reduction and Management Officer Mila Lorca na nasa 13 ang sugatan sa aksidente kung saan 10 rito ay isinugod sa South Cotabato Provincial Hospital, tatlo naman sa Tupi, at isa ay nagpapagaling sa General Santos City.

Patuloy din ang imbestigasyon ng Polomolok-Philippine National Police sa naturang aksidente kasabay sa pagkilala sa mga biktima.