KORONADAL CITY – Umabot sa labing-apat (14) na pamilya ang lumikas sa Sitio Lambila, Barangay Desawo, T’boli, South Cotabato matapos bahaindulot ng malakas na ulan ang kanilang lugar.
Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Barangay Kapitan Dieno Sawan, malapit umano sa daluyan ng tubig ang mga tahanan ng mga pamilyang naapektuhan kaya’t madaling pinasok ng tubig-baha ang mga kabahayan.
Ayon kay Kapitan Sawan, matapos silang makatanggap ng ulat ay agad nilang pinuntahan ang lugar kasama ang mga pulis, MDRRMO T’boli, at iba pang lokal na opisyal upang matulungan ang mga residente.
Nilinaw din nito na walang bahay na nainod; nasira lamang ang ilan dahil sa malakas na agos ng tubig.
Ngunit ang mga lumikas na pamilya ay agad na binigyan ng food packs at iba pang tulong.
Bukod sa Desawo ay may nasirang tulay din sa Barangay Lemsnolon dahil sa malakas na current ng baha na naging dahilan ng pagka-stranded ng ilang mga motorista.
Ang ilan pang barangay na apektado ng baha ay Barangay Kematu at Poblacion.
Samantala, kasama ng mga responders ang Bureau of Fire Protection (BFP) kung saan nilinis din ng lokal na pamahalaan ang mga kalsadang nabara ng nabuwal na sanga at iba pang debris.
Sa kasalukuyan, nagpapatuloy ang damage assessment sa pinsalang iniwan ng baha.
Magpapatuloy rin ang pamamahagi ng tulong at relocation para sa mga apektadong pamilya.












