-- ADVERTISEMENT --

KORONADAL CITY – Nakakulong na ngayon ang isang drayber matapos mahulihan ng hindi lisensiyadong mga baril at hinihinalang shabu sa isinagawang checkpoint sa Barangay Morales, Koronadal City, dakong alas-10:40 ng gabi nitong Huwebes, Agosto 28, 2025.

Ayon kay Police Col. Benito Recopuerto, hepe ng Highway Patrol Group (HPG) 12, pinara ng mga operatiba ang isang pulang Mitsubishi Strada na may plakang LAM 3006.

Sa isinagawang inspeksiyon, agad na nakita ang isang 9mm pistol na walang bala na nakalagay sa center console ng sasakyan. Kaya’t hinanapan ng papeles ang suspek ngunit nabigo ito na magpakita ng kaukulang dokumento.

Kinilala ang suspek sa alyas na “Ramsay”, 39-anyos, may asawa at residente ng Barangay Sto. Niño, Koronadal City.

Sa mas malalim na beripikasyon, narekober pa sa loob ng sasakyan ang isang caliber .45 pistol na may magazine na kargado ng anim na bala, isa pang magazine na may pitong bala, dalawang sachet ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng tig-P500, aluminum foil, at cash na P700.

Agad na dinala sa presinto ang suspek kasama ang lahat ng nakumpiskang ebidensiya para sa tamang disposisyon.

Sa kasalukuyan, inihahanda na ng mga awtoridad ang kasong isasampa laban sa kanya.