Iniulat ng Philippine National Police (PNP) na patuloy ang monitoring sa sitwasyon ng mga gasolinahan sa bansa, kung saan 375 sa 14,519 gasolinahan ang pansamantalang sarado dahil sa kakulangan sa suplay ng langis na dulot ng patuloy na krisis sa Middle East. Ayon sa PNP, patuloy nilang tinututukan ang sitwasyon, at mula noong Marso 31, ang kanilang hanay ay naka-full alert status, na may higit sa 98,000 personnel na nakatalaga para sa Holy Week at summer vacation.
“Some stations have reopened after restocking, while the PNP remains vigilant against profiteering, hoarding, and other unlawful activities. Nine cases have been filed, with others under case build-up across various regions,” ayon sa pahayag ng PNP.
Ipinahayag naman ni PNP Chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. na nakikipag-ugnayan ang PNP sa Department of Energy (DOE) at sa Municipal Price Coordinating Council upang matiyak na may sapat na suplay ng gasolina at maiwasan ang mga abala para sa publiko. Pinayuhan niya rin ang mga negosyo na sundin ang batas at huwag mag-hoard o magtaas ng presyo ng gasolina nang labag sa regulasyon.
Hinimok ng PNP ang publiko na i-report ang anumang illegally-priced o hoarded na gasolina sa pinakamalapit na istasyon ng pulis. Maaari ring tumawag sa unified 911 o gamitin ang opisyal na PNP hotline upang i-report ang mga ganitong ilegal na gawain.
Sa kabila ng patuloy na krisis, ang PNP ay nakatutok sa pagbibigay ng proteksyon at pagsisiguro na ang mga mamimili ay hindi malulugi o mapagsamantalahan ng ilang hindi tapat na negosyo.













