BANGA, SOUTH COTABATO – Nakakulong na ngayon ang isang drug suspect matapos na maaresto sa ikinasang joint drug buy-bust operation ng mga operatiba ng Banga Municipal Police Station at PDEA 12 sa Barangay Kusan, Banga, South Cotabato nitong Setyembre 17, 2025.
Kinilala ni Police Lieutenant Colonel Robert T. Laguitao, hepe ng Banga MPS, ang suspek na si alyas “Jason,” 36-anyos, walang trabaho at residente ng Barangay Libertad, Surallah, South Cotabato.
Narekober mula sa kanya ang mahigit 55 gramo ng hinihinalang shabu na may standard drug price na aabot sa Php374,000, kasama ang isang Php1,000 bill na ginamit bilang marked money.
Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Ayon sa mga otoridad, ang matagumpay na operasyon ay bunga ng maagap na koordinasyon, matibay na kooperasyon ng mga operatiba, at suporta ng komunidad. Dagdag pa rito, magsisilbing babala ang pagkakaaresto sa suspek at inspirasyon naman upang ipagpatuloy ng pamahalaan at kapulisan ang adbokasiya tungo sa isang ligtas, maayos, at drug-free na komunidad.