-- ADVERTISEMENT --

Ibinunyag ng isang suspek na naghahangad maging state witness na nasawi na ang 34 na sabungero na nawawala simula pa apat na taon na ang nakararaan, at inilibing umano ang kanilang mga bangkay sa Taal Lake sa Batangas.

Kinilala ni alias “Toto”, isa sa anim na security guard ng Manila Arena, na nagsabing sinakal ang mga biktima gamit ang alambre hanggang mawalan ng buhay.

Ayon kay Totoy, nagdulot ng matinding pangamba sa kanyang pamilya ang mga banta kaya siya nagdesisyong lumantad.

Ayon pa sa kanya, sa tamang panahon ay isisiwalat niya ang utak ng krimen.

Dagdag pa ni Toto, ang mga biktima ay pinatay dahil umano sa pandaraya sa mga laban ng sabong, at ipinasa sila sa ibang grupo matapos hulihin, na hindi na niya pinangalanan.

Ibinunyag rin niya na may mga drug lord din na umano’y inilibing sa parehong lugar kung saan itinapon ang mga sabungero.

Matatandaan na kinasuhan ng kidnapping at serious illegal detention ang anim na security guard, at pinaghahanap muli ng Department of Justice (DOJ) matapos hindi sundin ang mga kondisyon ng kanilang piyansa na dating pinayagan ng Manila RTC Branch 40.

Kamakailan, inaprubahan ng Court of Appeals ang hiling ng prosekusyon na kanselahin ang piyansa ng mga nasasangkot.

Ayon sa ulat ng Philippine National Police (PNP), kinilala ang mga suspek na sina Julie Patidongan, Gleer Codilla, Mark Carlo Zabala, Virgilio Bayog, Johnry Consolacion, at Roberto Matillano Jr.