-- ADVERTISEMENT --

KORONADAL CITY – Binawian ng buhay ang 33-anyos na rider matapos mawalan ng kontrol sa kanyang motorsiklo at sumemplang sa Barangay Concepcion, Koronadal City, gabi ng Huwebes, Marso 12.

Kinilala ng Koronadal City Police Station ang biktima na si Jenny Mar Gerarde, residente ng nasabing barangay.

Ayon sa report ni Police Lieutenant Colonel Peter L. Pinalgan, naganap ang insidente bandang alas-8:28 ng gabi sa tapat ng Santos Farm, Purok Osmeña.

Binabagtas ni Gerarde ang Provincial Road saksi ang kanyang pulang Kawasaki Bajaj 100 (Plate No. 792 MSR) mula sa Barangay Hall patungong National Highway nang bigla siyang mawalan ng kontrol sa manibela.

Dahil sa bilis o posibleng kondisyon ng kalsada, tumilapon ang biktima at bumagsak sa sementadong bahagi ng kalsada.

Isang concerned citizen ang agad na tumawag sa himpilan ng pulisya bandang alas-8:45 ng gabi upang i-ulat ang insidente.

Agad rumesponde ang grupo ni PMSg Daniel E. De Gracia upang tiyakin ang ulat.

Dinala ang biktima sa South Cotabato Provincial Hospital (SCPH) upang lapatan ng lunas, ngunit idineklara siyang Dead on Arrival (DOA) ni Dr. Mark Anthony B. Arteda dakong alas-9:05 ng gabi.

Patuloy ang imbestigasyon ng Traffic Investigation Section upang tuklasin kung may iba pang sasakyan na sangkot o kung ano ang eksaktong sanhi ng pagkawala ng kontrol ng biktima sa kanyang motorsiklo.