-- ADVERTISEMENT --

KORONADAL CITY – Umabot sa 30 loose firearms ang narekober ng Sultan Kudarat-PNP sa pangunguna ni Sultan Kudarat Police provincial director S/Supt. Raul Supiter at hepe ng Columbio-PNP C/Insp. Bernard Francias sa Brgy. Datablao, Columbio, Sultan Kudarat.

Sa impormasyong nakuha ni Bombo correspondent Larry Geronio, ang nasabing mga loose firearms ang kinabibilangan ng 26 na 12 gauge shotguns, isang M14 rifle at tatlong caliber .22 na armas.

Napag-alamang ang nasabing mga armas ay nakumpiska at isinuko naman sa PNP kung saan isa umano itong positibong resulta ng mahigpit na kampanya at panawagan ng Sultan Kudarat-PNP laban sa iligal na mga armas.

Sa ngayon, patuloy pa rin ang panawagan ng pulisya sa mga gusto pang mag-surrender ng kanilang mga armas upang makaiwas sa anumang pananagutan sa batas lalo na at nasa ilalim ngayon ang buong Mindanao sa Martial Law.

Samantala, malaki naman ang maitutulong sa pagkarekober ng mga armas upang mabawasan din ang krimen sa nasabing lugar.