KORONADAL CITY – Binawian ng buhay ang tatlong indibidwal habang sugatan naman ang limang iba pa sa nangyaring madugong aksidente sa national highway lungsod ng Koronadal na kinasangkutan ng isang government vehicle at dalawang motorsiklo.
Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay PMSgt. Leo Dimaculangan, traffic investigator ng Koronadal City PNP, dead on the spot ang tatlong babae makaraang inararo ng pick-up na pagmamay-ari ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources ang dalawang motorsiklo alas-6:15 Martes ng gabi sa national highway, Purok Ilang-Ilang, Barangay Saravia, lungsod ng Koronadal.
Kinilala ni PMSgt. Dimaculangan ang mga nasawi na sina Rogela Bayang, 26-anyos, residente ng Purok Acharon, Calumpang, General Santos City; at ang magkapatid na sina Rhialyn Hilaria, 21-anyos at Vivian Hilaria, 18-anyos, pawang residente ng nasabing barangay.
Ayon sa traffic investigator, galing sa construction site ang pick-up at papuntang lungsod ng Koronadal nang mangyari ang aksidente.
Nag-overtake umano ang pick-up truck sa topdown na sinusundan nito na nasa inner lane ngunit may nakaharang na tricycle, nagtangka itong bumalik sa kanyang linya ngunit hindi agad nagawa kaya’t dumiritso dahilan upang masalpok nito ang magkasunod na dalawang motorsiklo na nasa kabilang linya. Dahil sa matulin ang takbo ng pick-up makailang beses umano itong nag-spin hanggang sa nadaganan at nahila ng makailang beses ang dalawang motorsiklo.
Sa lakas nang impact ng pagkabangga, dead on the spot ang magkapatid na Hilaria at ang guro, habang isinugod naman sa South Cotabato Provincial Hospital ang pitong sugatan na sakay ng government vehicle na sina James Boy Enrejo, 38-anyos, driver ng pick-up; Roderick Tapon, 49-anyos; Reynan Lara, 40 anyos; Ryan Tapon, 22-anyos; Kenneth Frunda, 24-anyos; pawang mga residente ng Barangay Ran-ay, Banga, habang ang dalawang iba pa ay dinala naman sa pribadong ospital.
Halos hindi naman matanggap ng pamilya ng mga nasawi ang nangyari sa kanilang mga mahal sa buhay ngunit hiling na lamang ng mga ito na tulungan sila sa pagpapalibing sa kanilang kaanak. Habang, nakipag-ugnayan na ang tanggapan ng BFAR-12 sa pamilya ng mga nasawi upang mapag-usapan ang nangyari.
Ipinasiguro naman ni OIC Assistant Regional Director Omar Sabal, BFAR XII na nakahanda silang tumulong sa mga pamilya ng nasawi dahil sa pagkakasangkot ng service vehicle ng kanilang tanggapan.