-- ADVERTISEMENT --

Patay ang tatlong miyembro ng New People’s Army (NPA), kabilang umano ang dalawang mataas na lider, matapos ang isang armadong sagupaan laban sa mga tropa ng 37th Infantry Battalion (37IB) ng Philippine Army sa Barangay Datu Ito Andong, Kalamansig, Sultan Kudarat, ngayong Hunyo 19, 2025.

Ito ay kinumpirma ni LtCol Roden Orbon, ang spokesperson ng 6ID Philippines Army.

Ayon LtCol Orbon, madaling araw nagsimula ang engkuwentro na tumagal ng halos dalawang oras.

Nasamsam sa lugar ang ilang high-powered firearms at mga improvised explosive devices (IEDs).

Kinumpirma rin ng ni LtCol Orbon na isa sa kanilang tropa ang nasawi sa naturang operasyon.

Patuloy naman ang isinasagawang pursuit operations upang tugisin ang mga natitirang rebelde na tumakas mula sa pinangyarihan ng sagupaan.

Bagamat dalawa sa tatlong napaslang na NPA ay pinaniniwalaang mataas ang ranggo, iniimbestigahan pa ng mga awtoridad ang kanilang pagkakakilanlan para sa pinal na beripikasyon.

Nagpapatuloy ang clearing operations sa lugar upang tiyaking ligtas na ito para sa mga residente.

Hinikayat din ng militar ang publiko na makipagtulungan at agad na iulat ang anumang kahina-hinalang aktibidad sa kanilang komunidad.