-- ADVERTISEMENT --

Kinumpirma ng National Security Council (NSC) na may tatlong dating opisyal ng gobyerno ang nakapagpasa ng ilang sensitibong impormasyon patungong China. Ayon kay NSC Spokesperson Cornelio Valencia Jr., natunton ng konseho ang umano’y pagpapadala ng mga datos gamit ang LinkedIn at iba pang messaging apps.

Ipinaliwanag ni Valencia na nakakuha ng access ang tatlong Pilipino sa mga impormasyong ito sa iba’t ibang paraan. Isa sa kanila ay isang dating assistant sa Department of National Defense, ang ikalawa ay isang dating researcher sa Philippine Navy, at ang ikatlo ay may koneksyon sa isang opisyal ng Philippine Coast Guard na may access din sa mga sensitibong datos.

Kabilang sa mga nailabas na impormasyon ang ilang detalye tungkol sa mga military engagement at personnel, kabilang na ang rotation at resupply mission sa Ayungin Shoal at sa BRP Sierra Madre, na nagsisilbing outpost ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa West Philippine Sea.

Tiniyak ni Valencia na mahigpit na mino-monitor ng NSC ang isyu ng espionage sa bansa, lalo na ang paggamit ng ibang bansa sa mga Pilipino bilang mga ahente. Dagdag pa niya, patuloy ang koordinasyon ng NSC sa ibang ahensya ng gobyerno upang mapigilan ang anumang banta sa pambansang seguridad.

Ang insidenteng ito ay nagdaragdag sa lumalaking pangamba hinggil sa mga espionage activities sa rehiyon, lalo na sa kasalukuyang tumitinding tensyon sa West Philippine Sea.