-- ADVERTISEMENT --

KORONADAL CITY – Binawian ng buhay ang isang padre de pamilya matapos bumangga ang minamaneho nitong motorsiklo sa center island sa bahagi ng Barangay Carpenter Hill, National Highway, Koronadal City.

Kinilala ang biktima sa alyas na “Elyong,” 26-anyos, residente ng Barangay Zone 3, Koronadal City.

Ayon sa ulat, patungo sana sa direksyon ng Tupi ang mag-ama sakay ng motorsiklo nang mawalan ng kontrol si Elyong at tuluyang sumalpok sa center island.

Dahil sa matinding impact ng banggaan, nagtamo ng malalang pinsala sa ulo ang biktima, dahilan ng kanyang pagkamatay habang ginagamot sa ospital.

Sugatan naman ang kanyang limang taong gulang na anak na angkas niya sa motorsiklo kung saan nasa ligtas na kondisyon na ang bata at kasalukuyang nagpapagaling sa South Cotabato Provincial Hospital.

Napag-alaman na nakainom umano ang ama ng bata habang nagmamaneho, bagay na posibleng naging dahilan ng pagkawala nito ng kontrol sa manibela.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng Koronadal PNP Traffic Section ang naturang motorsiklo para sa kaukulang imbestigasyon at tamang disposisyon.

Nanawagan naman ang mga otoridad sa mga nagmamaneho ng sasakyan na maging maingat upang maiwasan ang aksidente.